Pages

Saturday, April 23, 2011

Philippine List of Legend Stories (Tagalog)


BAKIT MAALAT ANG DAGAT?

Si Angalo ay isang higanteng mahal ng mga tao sa kanilang nayon sapagkat siya'y mabait at matulungin. Isang araw, ang mga tao ay sumakay sa mga bangka at nagtungo sa kabilang ibayo ng dagat upang bumili ng asin. Pabalik na sila sa dalampasigan nang masalubong nila si Angalo. Itinanong ng higante kung saan sila nanggaling at ano ang kanilang mga dala. Sinabi ng mga tao na bumili sila ng asin.

Iminungkahi ni Angalo na huwag na silang magsisakay sa mgha bangka at nang mapadali sila sa pag-uwi. Hihiga raw siya sa dagat at gawing tulay ng mga tao ang isa niyang binti. Tuwang-tuwang sumang-ayon ang mga naroon. Humiga na ang higante sa dagat at nagsitulay na sa kanyang binti ang mga tao. Nang nasa gitna na ng dagat ang mga tao ay kinagat ng mga langgam ang talampakan ni Angalo. Makating-makati na at masaki na masakit ang mga kinagat ng mga langgam kaya pinagsabihan ng higante ang mga tao na magmadali at hindi na niya matiis ang nararamdaman niyang pangangati.

Nagmadali ang mga tao ngunit sila'y nasa kalagitnaan pa lamang ng binti ni Anggalo. Hindi na natiis ni Angalo ang masidhing pangangati ng kanyang talampakan. Kumilos siya upang kamutin iyon kaya't nahulog sa dagat ang mga tao, dala-dala ang binili nilang asin. Natunaw ang mga asin nang mahulog sa dagat kaya't iyon ang dahilan kung bakit naging maalat ang dagat.

Alamat ng Ampalaya

NOONG ARAW, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay. Dito makikitang naghahabulan sina Labanos at Mustasa. Nagpapatintero rin sina Bawang, Sibuyas, Upo at Patola. Nagtataguan sina Singkamas, Talong, at Luya habang nagluluksong-baka sina Kamatis at Kalabasa.
Isang araw, umusbong ang isang kakaibang gulay. Siya’y si Ampalaya. Maputlang-maputla ang kulay ng balat niya at sa kahit anong lasa’y salat siyang talaga!

Dahil dito, unti-unting pumulupot ang mabalahibong inggit sa katawan ni Ampalaya. Naging bugnutin siya at maiinitin ang ulo. Lahat ng gulay na lumapit sa balag niya ay binubulyawan niya. “Wag kayong lumapit sa akin! Hindi ko kayo kailangan! Layas!” Dahil dito, nilayuan tuloy siya ng lahat ng gulay sa bayan ng Sariwa.

ISANG MAALINSANGANG gabi, isang maitim na balak ang namulaklak sa utak ni Ampalaya. “Kailangang magkaroon din ako ng lasa, kulay at ganda tulad ng ibang mga gulay!” bulong ni Ampalaya sa sarili. Habang nananaginip ang mga gulay, isinagawa ni Ampalaya ang kaniyang balak.
Dahan-dahan, gumapang siyang papalapit sa balag ng mga walang kamalay-malay na biktima. Sinunggaban niya ang tamis ni Kalabasa. Isinilid din niya sa bayong ang asim ni Kamatis, pati na ang anghang ni Luya. Nakita rin niyang nakasampay sa bintana ang kaputian ni Labanos. Agad niyang kinuha ito.

Sinaklot din niya ang lilang balat ni Talong at ang luntiang pisngi ni Mustasa.

Ipinuslit din niya ang lutong ni Singkamas, ang manipis na balat ni Sibuyas, ang malasutlang kutis ni Kamatis at maging ang gaspang ni Patola.

“Ha! Ha! Ha! Ha! Sa wakas! Nasa akin na ang lahat ng lasa, kulay, at ganda! Siguradong kaiinggitan ako ng lahat ng gulay!” sabi ni Ampalaya sa sarili.

KINABUKASAN, umalingasaw ang balita tungkol sa nakawang naganap. Nagtipon-tipon ang lahat ng gulay. Lumuwa ang mga mata ng lahat nang biglang dumating ang isang di-inaasahang bisita: isang dayuhang gulay. Iba’t iba ang kulay ng balat niya at kaya pa niyang mag-iba-iba ng lasa! Kahanga-hangang gulay talaga!

Ngunit para kay Kamatis, kaduda-duda ang pagkagulay ng bisita. Kaya’t kinagabihan, tinipon niya ang mga kasamang gulay ay sama-sama silang nanubok sa balag ng dayuhang gulay.

Kitang-kita nila ang dayuhang gulay, nakaharap sa salamin, habang isa-isang hinuhubad ang mga lasa, kulay at ganda mula sa katawan niya. Nagulat sila nang tumambad sa harap nila ang isang maputlang gulay: ang bugnuting si Ampalaya!

ISINAKDAL SA HARAP ng Kalunti-luntian, Kasari-sariwaan, Kasusta-sustansiyang Hukuman ng mga Gulay si Ampalaya. Dumating sa paglilitis ang lahat ng gulay sa bayan ng Sariwa. Nandoon din bilang hukom ang mga diwata ng Araw, Lupa, Tubig, at Hangin.

“Hindi pa nililikha ang gulay na nagtataglay ng lahat ng lasa, kulay, at ganda ng Kalikasan!” sigaw ng diwata ng Araw.

“Ikaw ay napatunayang nagkasala laban sa batas ng mga gulay at sa batas ng Kalikasan,” bulong ng diwata ng Lupa.

“A-ampalaya, ikaw ay parurusahan…” hikab ng diwata ng Tubig.

“Bilang parusa, lahat ng ninakaw mong lasa, kulay, at ganda mula sa mga kasama mong gulay ay mapapasaiyo na,” ugong ng diwata ng Hangin.




“Parusa ba ‘yon? Ano bang klaseng parusa ‘yon?” buska ng bugnuting si Ampalaya.
Pagkaraan ng paglilitis, nangako ang mga diwatang ibabalik nila ang mga lasa, kulay at ganda ng mga gulay na ninakawan ni Ampalaya. At nang gabing iyon, may kagila-gilalas na nangyari kay Ampalaya.

Nag-away ang lahat ng lasa, kulay at gandang ninakaw ni Ampalaya sa loob ng katawan niya! Nang magsuntukan ang puti, luntian, lila, dilaw, at iba pang kulay, nagmantsa ang madilim na luntian sa kaniyang balat. Nang magsabunutan ang kinis at gaspang, lumabas ang kaniyang mga kulubot. At nang magsigawan ang tamis, asim, at anghang, lumitaw naman ang pait.

MULA NOON, naging madilim na luntian ang kulay ni Ampalaya. Naging kulubot ang balat niya. At naging mapait ang lasa niya. Ngayon, kahit masustansiyang gulay si Ampalaya, marami ang hindi nagkakagusto sa kaniya.

Pero alam n’yo, nagsisi na si Ampalaya. Sa susunod n’yo siyang makita sa inyong pinggan, subukan n’yo siyang tikman at patawarin sa kaniyang mga kasalanan.

Alamat ng Araw, Buwan at mga Bituin

Noong unang panahon ang paligid ay pawang kaliwanagan. Wala pa noong gabi sapagkat laging magkasama ang Araw at ang Buwan. Bilang mag-asawa, pala-utos ang Araw sa Buwan. Hindi nito binibigyan ng kapantay na karapatan ang Ina ng Tahanan. Sobra naman sa bait si Buwan. Lahat ng utos ni Araw ay sinusunod niya. Kahit na ang ipinag-uutos ay dapat na suriin at pabulaanan. Minsang magbalak mamasyal si Araw ay inutusan niya si Buwang ipaglaga siya ng mga dahon ng gabi. “Kailangang puno ng nilagang dahon ng gabi ang palayok pagbabalik ko!” utos ni Araw sa nahihintakutang si Buwan. “Pe… pero tiyak na uurong ang mga dahon ng gabing ilalaga ko,” marahang paliwanag ng Buwan na mistulang sunud-sunuran sa kaniyang asawang naghahari-harian. “Basta tiyakin mong puno ng dahon ng gabi ang palayok pagbabalik ko!” pasigaw na diin ng Araw sa nanginginig na maybahay. Nag-iiyak nang nag-iiyak ang Buwan. Alam niyang hindi mapupuno ang palayok kapag nilaga sa kalan. Sapagkat lubos na mabait ang Buwan, pinagtiyagaan niyang lutuing mabuti ang mga dahon ng gabi. Pero kahit sikaping mapuno ang palayok ay hindi niya ito magawa. Lagi at laging may bakante pa ring lugar sa loob ng palayok na pinagpapakuluan.
Nang magbalik ang Araw at itanong ang mga dahon ng gabi ay napaihng ang Buwan. “Gi…ginawa kong lahat ang makakaya ko pe….pero hindi ko mapunu-puno ang palayok sapagkat umuurong ang mga dahon ng gabing inilalaga ko.” “Laging ganiyan ka!” panumbat ng Araw. “Noong isang linggo pinapalitan ko sa iyo ng ibang kulay ang asul na karagatan pero di ka man lang nakasunod sa aking kautusan! At hindi ba pinakiusapan din kitang pantayin ang lahat ng burol at bundok sa kanluran pero ano ang ginawa mo? Ipinagkibit balikat mo lang ang utos ko!” “Asawa mo ako at di utusan!” ngumatal ang boses ng galit na galit na Buwan. “Pantay lang ang ating karapatan. Kung utusan ang
turing mo sa akin, mabuti pang tayo ay maghiwalay.” “Aba, kung yan ang gusto mo ay susundin ko,” taas noong sagot ni Araw.

“Ako ang ina ng mga bata kaya kailangang sa akin sila sumama.”

“Para mamatay sa lamig mo?” nanghahamong tugon ng Araw.

“Paano kung isasama mo sila? Tiyak na mamamatay sila sa sobrang init mo!”




“Sa akin dapat sumama ang mga bata. Ako ang ama nila!”

“Ako ang ina na laging kayakap nila!”

Nag-away ang dalawa. Sa paghahatakan nila sa mga anak ay nahulog ang mga bata sa kalawakan. Mabilis na hinabol ng Buwan ang  mga anak na naging kumpol ng Bituin sa kalangitan. Ang Araw ay kuntento namang naghihintay na lamang sa kaniyang makinang na trono sa kalangitan. Hinihintay pa rin niya ang pagbabalik ng asawa at mga anak. Mapapansing sa umaga at katanghalian matatanaw natin ang mapagmalaki at magagaliting Araw sa kalangitan. Sa gabi naman, makikita natin ang malamlam na liwanag ng Buwan at kikislap-kislap na mga Bituin sa kaitaasan.

Alamat ng Bulkang Kanlaon

Ang mga taga-Negros sa Bisayas noong araw ay namumuhay na tiwasay at mariwasa. Ang pangalan ng kanilang hari ay Laon, isang taong may magandang kalooban. Ang mga tao roon ay nagsisigawa sa kanyang bukid at sila’y kahati sa ani.

Isang araw ay umuulan, at ang ulan ay lumakas ng lumakas hanggang sa bumaba sa bukid; anupa’t ang tubig ay umapaw hanggang tuhod, at tumaas hanggang baywang, at nagpatuly ng paglaki hanggang liig.

Ang mga tao ay natigatig at naisip nila na masisira ang kanilang mga pananim.

Palibhasa’y mahal ng hari ang mga taoat naisip niyang nawala na ang aanihin huwag lamang mawala ang mga tao. Tinipon ng hari ang lahat ng kampon niya at sinabi, “Gumawa kayo ng mataas na bunton ng lupa.” Sumagot ang mga kampon, “Kami po ay walang mga kasangkapan.”
Iwinagayway ng hari ang kanyang birang at pagdaka’y nagkaroon na ngmga piko at pala.

Sinabi ng mga kampon, “Wala po kaming mga bato. Ang bunton po ng lupa ay kaylangan naliligiran ng mga bato.”

Sa hulung wagyway ng birang ay nagkaroon na ng lahat ng kailangan.

Sa sikap at tiyaga ng mga kampon ay nagkaroon ng malaking bundok. Ang nagging taas ng taluktok ng bundok ay 6,000 talampakan. Duon sila tumahan hanggang sa humupa ang tubig. Nagpatuloy pa rin sila sa paggawa, nagsihukay sila ng bambang na tungo sa dagat upang siyang lagusan ng tubig ng sa gayon ay humupa ang tubig sa baha.

May isang malaking ahas na tumira sa bundok na yaon. Ang ahas ay may pitong ulong kakila-kilabot. Ang kulay ng mata ay luntian at ang ihinihinga ay kakatwa, na kung araw ay usok at kung gabi ay apoy.

Isang araw ay may dumating na isang binata na ang pangalan ay Kan. Siya’y makisig at mahiwaga. Nalalaman niya ang ligalig sa bayan at sinabi niya, “Papatayin ko ang ahas. Hindi ako natatakot.”
Sinabi ng hari. “Patayin mo ang ahas at paglkakalooba kita ng mga gabok nag into at ang aking anak ay ipagkakaloob ko rin sayo upang maging asawa.”

Inihanda ng binata ang plano sa pagpatay sa ahas. Dahil sa may kapangyarihan siya sa mga hayop, tinawag niya ang mga langgam at iniutos niya, “Magsigapang kayo sa buong katawan niya at inyong kagatin.”

Tinawag niya ang mga putakti at iniutos niya sa kanila, “Pupugin ninyo ang kanyang mga mata hanggang sa mabulag.”
Tinawag niya ang mga uwak at iniutos, “Inyong kamutin at tukain ang kanyang ulo at katawan hanggang sa mamatay.”

Sila’y sumunod.Ang ahas ay kanilang napatay.

Pinugot ni Kan ang pitong ulo ng ahas. Ang mga ulong iyon ay inialay sa haring Laon, at mula noon ay matiwasay na namuhay muli ang mga taga-Negros. Ang binatang si Kan ay nagkamit ng yaman at napangasawa ang anak ng hari.

Inaalala ng mga taa roo ang binata at ang hari. Ang bundok ay pinangalanang Kan-Laon at ng magtagal ito’y nagging Kanlaon, bilang parangal kay Kan at Haring Laon.

Alamat ng Durian

Ang ninuno ng tribo ng mga Bagobo na ngayo’y naninirahan sa kagubatan ng Mindanao ay mga sakop ni Datu Duri. Ang kahulugan ng duli ay tinik pagka’t siya ay laging nagbibigay ng ligalig sa kanyang mga kaaway.

Iilan pang taon ang nakalilipas sa kanyang pagka-Datu nang siya ay nagkaroon sa kanyang kabiyak ng isang tagapagmana ng kaharian. Ang bata’y pinangalanang Durian, na ang gusting sabihi’y munting tinik.

Nagpakita sa Datu ang Dakilang Bathala at ipinaalam sa ama na ang kanyang anak ay mabubuhay ng labingsiyam na taon lamang.




Lumakad ang mga araw. Nag-ugat sa puso ni Durian na mahalin ang sakop ng kanyang ama. Sa di-kawasa ay dumating ang malungkot na sandali. Ang sinabi ng Dakilang Lumikha ay natupad. Si Durian ay nagkasakit. Sinuman sa kaharian ay walang makapagbigay ng lunas. Ang Datu ay nalungkot at nawalan ng lakas na harapin ang katotohanan.

Hiniling ni Durian sa kanyang ama na kapag siya’y namatay ang kanyang bangkay ay doon ilibing sa ilalim ng durungawan ng kanyang ina upang maipagdasal ang kanyang kaluluwa sa lahat ng sandali. Ito ay natupad.

Sa ikasiyam na araw ay napansin sa libing ni Durian na may halamang sumisibol.

Nagtumulin ang mga taon. Lumago ang halaman, yumabong ang sanga hanggang sa ito’y namulaklak at namunga.

Isang araw, tinikman ni Datu Duri ang isang hinog na bunga. Nagsisunod ang mga kawal sa palasyo pati ng mga nasasakupan. Nakita nilang ang balat ng bunga ay manipis at maliit ang buto. Ang laman ay malasutla at matamis. Naniwala ang mga taong ito’y ibinigay ni Bathala bilang isang alaalang tagapagpagunita hinggil kay Durian noong nabubuhay pa siya.

Si Datu Duri ay matandang-matanda na. Isang taksil ang naggulo sa mga alipin upang pag-imbutan ang kanyang kapangyarihan at kayamanan. Ito’y si Sangkalan. Sa huli’y siya ang naging datu. Kanyang dinigma at pinasuko pati ang mga Bilaan at Manobos.

Napag-alaman ng Dakilang Bathala ang kasakiman ni Sangkalan. Kanya itong pinarusahan. Pinawalan ang kidlat at kulog. Nakatutulig na putok ang arinig pagkatapos ng ilang saglit may nakitang mahiwagang liwanag na nakabalot sa punong-kahoy na nakatayo sa libingan ni Durian.
Siniyasat ni Sangkalan at ng mga tao ang puno. Ang mga bunga ay nagkaroon ng malaki at maraming tinik na katulad ng rimas. Nagalit si Sangkalan at isinumpa ang Diyos. Pinagpalaluan ang Kanyang karunungan.
Noon di’y nangalaglag ang lahat ng mga bunga ng punong-kahoy at natabunan ang katawan ni Sangkalan. Nadurog ang kanyang bungo at nalamog ang buong katawan. Noon di’y itinanghal na bangkay si Sangkalan. Ang mga tao ay nasiyahan sa nangyari.

Nang buksan ng mga tao ang ilang bunga ng punong-kahoy, kanilang nakitang ang balat ay makapal at ang buto ay malaki, ngunit ang laman nama’y matamis. Nakatawag ng pansin ang masama nitong amoy.

Iyan ang kauna-unahang puno ng Durian.


Ang Alamat ng Ibong Maya

Si Rita ay batang lubhang malikot. Ang kanyang ina ay laging naiinis sa mga ginagawa niyang hindi dapat gawin ng batang katulad niya.

Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng palay. Si Rita ay nanood sa kanyang ina. Siya'y gutom na gutom sapagka't galing siya sa laruan. Nang mayroon ng isang salop ang nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain ng bigas. Ang lalagyan ng bigas ay malaki at may takip na bilao. Ngayon natakpan siya ng bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na ang ina sa kanyang pagbabayo, tinawag niya si Rita upang mautusan sa pagtatago ng binayo. Hindi sumagot si Rita. Hinanap ng ina sa lahat ng taguan, wala rin si Rita roon.

Nang kanyan buhatin ang lalagyan ng bigas may lumabas na maliit na ibon galing sa loob. Kumakain ng bigas ang ibong iyon. Ang ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag ngayong maya.


Alamat ng Ilog Pasig

Payapa ang gabi noon,nagningningan ang mga talasa langit. Nagsisislbing ilaw ang liwanag sa buwan sa kapaligiran. Isang binata’t dalaga ang nagpapalamig sa simoy ng hangin sa gabi. Nagawian na nilang mamangka tuwing kabilugan ng buwan. Napagkasyahan ng magkasintahan na mamangka sa ilog. Dayuhang Kastila ang nasabing binata at mayuming dalagang Pilipina ang isa. Magiliw na nanonood sa kumikinang na tala ang dalaga habang sumasagwan ang binata.

Masayang nagkukwentuhan ang dalawa sa gitna ng gabi na pumalaot sa ilog. Ngunit may napansin ang dalaga. Sa gitna ng dilim ay may magandang bulaklak ang nakita ang dalaga na nakalutang sa tubig. Agad niya itong inabot. Subalit sa pag-bot niyang iyon, ang bangkang kanilang sinasakyan ay nawala sa balance at nahulog ang binata. Sa di inaasahan, ang binata ay hindi marunong lumangoy. Sa bawat paglutang ng binata mula sa pagkalubog , tinatawag niya si Paz na tulungan siyang makaahon.

“Paz sigueme! Paz, sigueme!” Ang salitang ito ay Kastila na ang ibig sabihin ay sagipin mo ako. Sa kasawiang palad, hindi natulungan ng dalaga ang binata. Ang huling salitang nabanggit ng binata ay “Paz sig!” Hindi na muling lumutang ang binata at tuluyan na itong nalunod. Dahil sa pangyayaring ito ang ilog ay tinawag nang “Pasig” o Ilog Pasig.

Ang Alamat ng Kasoy

Noong unang panahon, katulad ng ibang prutas, nasa loob din raw ng bunga ang buto ng kasoy. Subalit ayon sa sabi-sabi mainipin daw ang buto nito.

"Ang lungkot naman dito, nakakainip. Gusto kong lumabas. Gusto kong makita ang kagandahan ng kapaligiran," wika ng buto ng kasoy.

Narinig ito ng Diwata ng Kagubatan. "Nais mo ba talagang makita ang kariktan ng kapaligiran? Gusto mo bang lumabas sa iyong bunga?", ana ng Diwata.

"Opo, Inang Diwata, gusto ko po sana, kung iyong mamarapatin," pahayag ng mainiping buto.

"Maganda nga sa labas ngunit ito'y mapanganib. Kaya mo bang harapin ang init at lamig sa labas? Mababasa ka pag bumuhos ang ulan. Mahihirapan kang makakita pag sapit ng gabi. Mas komportable at tahimik sa loob ng iyong bunga," paliwanag ng Inang Diwata.

"Opo. Kakayanin ko po, basta't makita ko lamang ang nasa labas," panindigan ng makulit na buto.

"O siya. Maari kong pagbigyan ang iyong hiling, subalit hindi ko na maari pang bawiin ang aking mahika. Hindi ka na maari pang bumalik sa loob," kundisyon ng Diwata.

"Sige po. Hindi ko po hihilinging makabalik pa ulit sa loob ng bunga ko," pangako ng buto.

Kumumpas ang Inang Diwata. Namulat ang buto ng kasoy sa kagandahan ng kapaligiran. Galak na galak ang buto sa kanyang nakita. "Hindi ko akalaing ganito pala kaganda ang mundo. Salamat Inang Diwata, pinasaya mo ako ng lubos," tuwang sambit ng buto.

"Walang anuman, mahal na buto. Tandaan mo lang ang iyong pangako," sambit ng Diwata at naglaho.

Magdamag na nagmasid ang buto habang nakatungko sa ulunan ng kanyang bunga. Nang unti-unting dumilim ang paligid, nakaramdam ng pangamba ang munting buto. Nangutim ang mga ulap, nagbabadya ng mabigat na pag-ulan. Nagpalitan ng galit? ang kulog at kidlat.

"Inaykupo. Bakit nagging ganito? Nakaktakot pala ditto. Gusto ko nang bumalik sa loob. Brrrr. Nanlalamig na ako," nanginginig na saklolo ng buto. Naisip niyang tawagin ang Inang Diwata upang humingi ng saklolo. Subalit naalala niya ang pangako niya sa Diwata na hindi na siya maari pang humiling na makabalik sa loob.

"Tama nga ang Inang Diwata. Sana'y hindi na ako nagmatigas na masunod ang gusto ko," malungkot na wika ng nanlulumong buto.

ALAMAT NG MACOPA

Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.

Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan, naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang kukunin ang kampana.

Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang sapitin!

Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.

Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan - ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam kung saan ito naroroon.

Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon nang buong dangal.

Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan. Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang hayop.

Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.

Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.

"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.

"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.

Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon sa maraming kopa, doon sa makopa."

Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.

Alamat ng Palay

Noong unang panahon ang mga tao ay walang palay. Ang kanilang kinakain ay gulay, bungang-kahoy, isda, at mga hayop. Sila ay nangangaso sa gubat at nangunguha ng bungang-kahoy sa parang. Sila ay maligaya roon.

Nawala na ang mga hayop sa gubat at iilan na lamang ang mga bungang-kahoy. Ang mga tao ay nalungkot.

Ang mga lalaki ay nangaso sa bundok. Sila’y pagod na pagod at gutom na gutom. Sila’y nagpapahinga ng dumating ang magagandang dalaga. Ang mga ito ay engkantada pala. Sila ay makapangyarihan subalit magagalang.

Ang mga mngangaso ay kinumbida ng mga engkantada. Sila’y nagpunta sa yungib. Dito ay napakarami pala ang engkantada. Sila’y may reyna. Sila’y nagsaya noon, nag-awitan, at nagsayaw.
Nagkaroon ng kainan. Nakita ng mga mangangaso ang malalaking tagayan. Ang mga ito ay punong-puno ng pagkain na puting-puti. Noon lamang sila nakakita ng putting pagkain.

Matapos ang kainan at ang mga lalaki ay nagging bata. Sila ay kumakas. Sila’y pinainom ng puting alak at sila’y at nagging matalino.

Gusto ng umuwi ng mangangaso. Ang reyna ay nagsalita, ” Kayo’y bibigyan ko ng butyl. Ito’y itanim ninyo sa tag-ulan. Alam kong kayo aymabubuti kaya iyan ay sisibol. Iyan ay mamumunga. Aanihin ninyo ang bunga.”

“Ang mga butil na inani ay bayuhin at linisin. Ang butyl ay magiging bigas. Ito ay lutuin. Iyan ang inyong pagkain. Iyan ang kaloob ko sa mga tao. Hala, umuwi na kayo.”

Sumunod sa bilin ang mga tao. Ang bigas na niluto ang kauna-unahang kanin sa daigdig.

Ang Alamat ng Pinya

Nuong unang panahon sa isang malayong nayon ay may naninirahang isang
batang babae. Ang pangalan niya ay Filipina at ang kanyang palayaw ay Pina.
Bata pa si Pina nang maulila kaya siya ay kinupkop ng kanyang tiyahing si Marta.

Si Pina ay mabait, masipag, at mapagtiis samantalang ang kanyang tiyahin ay
tamad, masungit, at pabaya sa buhay. Nang bata pa si Pina ay nagkasakit siya
ngunit hindi siya ipinagamot ni Marta bagay na naging dahilan upang manlabo
ang kanyang mga mata. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil hindi na niya
mabasa ang mga aralin sa paaralan. Kuntento na lamang siya na tumulong sa
mga gawaing bahay at makipaglaro sa mga kapwa bata.

Lumipas pa ang maraming araw at mas lumubha ang panlalabo ng kanyang
mga mata. Kadalasan kapag sila ay naglalaro ng taguan ang mga salbaheng
bata ay hindi na nagtatago at sa halip ay nanatiling nakapaligid sa kanya.
Sapagkat bahagya niyang naaaninang ang mga kalaro ang mga salbaheng bata
ay kinukurot siya sa iba't-ibang bahagi ng katawan habang kinukutya ang kanyang
kapansanan. Ang lahat ng mga eto ay kanyang pinagtitiisan.

Isang araw habang siya'y naglalaro sa harapan ng kanilang bahay ay galit na
tinawag siya ni Marta.  "Pina, maghugas ka ng mga pinggan at kaldero sa kusina.
Ang tamad- tamad mo!" sigaw si Marta. "Pagkatapos mong maglinis sa kusina ay
maglaba ka."

Agad namang iniwan ni Pina ang paglalaro at nagtungo sa kusina upang
maghugas. Ano ba't dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata ay di sinasadyang
natabig niya ang lalagyan ng mga pinggan at baso, at bumagsak ang mga gamit
sa sahig. Nang makita ni Marta na nabasag ang ilang plato at baso ay labis
siyang nagalit. Kinuha niya ang walis tingting at malakas na pinagpapalo si Pina
sa kanyang mga binti.

"Wala kang silbi! Dapat ang ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo
ang lahat ng nasa paligid mo!" malakas na sigaw ni Marta habang pinapalo pa rin
si Pina.

"Tiya, patawarin po ninyo ako. Hindi ko po sinasadya," pagmamakaawang
pakiusap ni Pina. Ngunit lalo pang nilakasan ni Marta ang pagpalo sa kanya.

Nang di na matitiis ni Pina ang sakit ng pagpalo sa kanya ay umiiyak siyang
tumakbo sa labas ng bahay patungo sa kalapit na kagubatan. Lumipas ang
maghapon at hindi bumalik si Pina. "Babalik din siya kapag siya ay nagutom, "
sabi ni Marta sa kanyang sarili.

Lumipas ang maghapon, gumabi, at nag-umaga ngunit hindi bumalik si Pina.
Hindi rin nakatiis si Marta at kasama ang ilang bata ay hinanap nila si Pina.
Ngunit siya ay naglaho na parang bula. May mga nag-isip na si Pina ay kinupkop
ng isang diwata sa kagubatan na naawa sa kanyang kalagayan.

Lumipas pa ang maraming araw. Isang umaga ay nagulat na lamang ang lahat
nang may nakita silang halaman na umusbong sa harapan ng bahay ni Marta.
Ang halaman ay nagbunga ng isang prutas na korteng ulo at may mga mata sa
paligid. Bigla nilang  naalala si Pina at ang sinabi ni Marta sa kanya:  "Dapat ang
ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo ang lahat ng nasa paligid
mo."

"Si Pina siya!" biglang nasambit ng isang kapitbahay sa kanyang mga kasama.
Ilang salbaheng bata ang lumapit upang maki-usyoso. Subalit paglapit nila ay
pawang nangatusok sila ng matutulis na tinik sa dulo ng mga dahon ng halaman.
Naalala nila ang ginawang pag-aapi kay Pina. "Si Pina nga siya," anang isang
salbaheng bata.

"Ayaw na ni Pina na nilalapitan natin siya." Sigaw ng isa pang salbaheng bata.
"Ayaw niyang kinukurot natin kaya tayo naman ang tinutusok ng kanyang mga
tinik." "Si Pina nya! Si Pina nya!" magkakasabay na sigaw ng mga bata habang
itinuturo nila si Marta na nasa harapan ng bahay at nakatingin sa kanila.

Mula nuon tuwing makikita ng mga tao ang halaman at ang prutas nitong hugis
ulo na maraming mata ay tinatawag nila etong si Pina nya. Nang lumaon ay
naging Pinya na lamang ang naging tawag nila dito.

Alamat ng Pipino




Noong araw, sa Lumang Taal, Balangay ng Batangan, ay may mag-asawang may anak na lalaki. Ang pangalan ng ama ay Rupino, ang ina ay Paula, at ang anak naman ay Tirso. Sa halip na maging maalaala at mapagmahal sa aswa’t anak si Rupino ay totoong pabaya. Siya ay napakatamad at napakasugarol pa.Kaya upang sila ay mabuhay, si Paula ang siyang naghahanap-buhay.

Isang araw, si Paula ay nagluto ng pananghalian. Si Rupino ay pinakiusapan ni Paula na magsibak ng kahoy upang may maigatong sa niluluto. Si Paula ay matagal ding nakiusap bago napasunod si Rupino. Datapwa’t hindi pa halos nangangalahati ng pagsibak si Rupino ay huminto ito.

“Paula, Paula, ” ang sigaw ni Rupino buhat sa ibaba, “Napakasakit ng ulo ko. Para bang mabibiyak. Bigyan mo nga ako ng piso at bibili ako ng gamot.”

Nalalaman ni Paula na si Rupino at nagdadahilan lamang sapagka’t marahil ay tinatamad at sinusumpong ng pagsususgal.

“Saan ba ako kukuha ng oiso?” ang sagot ni Paula. “At saka anong sakit ng ulo ang sinasabi mo? Ang totoo’y ibig mo lang magsugal. Sulong! Kung ayaw mong magsibak ngkahoy ay umalis ka at ako ang magsisibak.”

Si Rupino ay umalis na ngingiti-ngiti pa. Hindi siya nagbalik kundi nang inaakala niyang luto na ang pagkain.

“Paula, maghain ka nga,” ang utos niya sa asawa. “Nagugutom ako.”

Si Paula naman na nakalimot na sa kanyang galit ay madaling sumunod.

“Tirhan mo ng kaunting kanin at kaunting ulam si Tirso,” ani Paula. “Siya’y hindi pa kumakain sapagka’t inutusan ko.”

Ngunit nasarapan si Rupino sa pagkain. Nang maalala niya ang pagtitira sa kaunting kanin at ulam kay Tirso ay naubos na niyang lahat ang kanin at ulam.

Nang dumating si Tirso at maghalungkat sa paminggahan ay nakita niyang ubos na ang lahat ng ulam at kanin.

“Inay, wala na pong ulam at kanin a,” ang maiyak-iyak na sumbong ni Tirso. “Simot na simot po ang mga palayok.”

“Rupino hindi mo ba tinirhan ng pagkain ang anak mo?” ang usisa naman ni Paula.
“Aba tinirhan ko,” ang pagsisisnungaling ni Rupino. “Baka kinain ng hayop.” At si Rupino ay lumabas at hinanap angpusa at aso. Ang hayop ay pinagpapalo ni Rupino hanggang ang puno at aso ay magtalunan sa batalan.

Lumipas ang mga araw. Noon ay tag-ani ng palay. Upang mayroon silang makain ang mag-inang Paula at Tirso ay tumutulong sa pag-aani ng palay sa kanilang mga kapit-bahay na may palayan. Ang mga palay na inuupa sa kanila ng kanilang mga tinutulungan ay itinatago nila sa kanilang bangang malaki sa kanilang silid.

Isang araw, sa paghahalungkat ni Rupino sa loob ng silid ay natagpuan niya ang banga ng palay. Nang Makita niya na mapupuno na halos ang banga ay napangiti ng lihim. Alam na niya ang kanyang gagawin. Mapaglalangan na naman niya si Paula.

Nang dumating ang mag-ina buhat sa bukid ay dinatnan nila si Rupino na naghihimas ng manok. Si Rupino ay mukhang malungkot na malungkot.

“Aba, ano ang nangyari sa iyo?” ang usisa ni Paula. “Baki parang Biyernes Santo ang mukha mo?”
“Masama ang nagyari, e, ang simulan ni Rupino. “Natalo ako sa tupada.”

“Oo, e ikaw ba naman ay nanalo na?” ang ika ni Paula. “Ang pinagtataka ko saiyo ay kung saan ka kumukuha ng ipinatatalo.”

“Iyon nga ang sasabihin ko sa iyo, e. Nakita ang palay na tinitipon ninyo sa banga at ipinagbili ko.
“Ang iniisip ko ay kung yung pinagbilan ay maparami ko ay gugulatin kita. Nguni’t talaga yatang minamalas ako lahat ng pinagbilan ko ay natalo.”

Si Paula at Tirso ay hindi nakakibo. Si Paula ay nanlambot na lamang at nangilid na ang luha. Pumanhik sila ng bhay na malatang- malata ang katawan.

Si Rupino ay maliksing tumayo ng si Paula at Tirso ay pumanhik na sa itaas. Tuwang-tuwa siya samantalang siya ay nagbibihis. Ang totoo’y hindi pa natatalo ang sampungpisong pinagbilan niya ng palay. Ang limang piso ay nasa bulsa niyaat ang lima pa ay nasa lambat na nakasuksok sa kanilang silong. Ang limang pisong nasa bulsa niya ay dadalhin niya sa sugalan. Kung sakaling matalo ay maaari pa siyang umuwi at kumuha ng puhunan.

“Inay, paano ang gagawin natin ngayon?” ang tanong ni Tirso ng nakaalis na si Rupino. “Nasayang lamang ang pagod natin.”

“Bayaan mo na anak, at ako’y maghahanap ng maipagbibili,” ang wika ni Paula. “Makakaraos din tayo sa awa ng Dios.”

Si Paula ay naghalungkat ng anumang maipagbibili sa loob ng bahay ngunit wala siyang makita. Nanaog siya at baka sakali sa silong aymay Makita siya.. At hindi nga siya nagkamali sapagka’t at namataan niya ang lambat na nakasabit sa isang haligi.Ang lambat ay kinuha ni Paula at madaling ipinagbili sa Intsik. Ang pinagbilan ay madaling binili ni Paula ng kalahating kabang bigas at ng maiulam na nila ng marami-raming araw.

Si Paula ay kasalukuyang naluluto ng si Rupino ay dumating na humahangos.

“Kakain ka na ba?” ang tanong ni Paula. “malapit ng maluto ang ulam.”

“Huwag mo akong abalahin,” ang payamot na sigaw ni Rupino at nanaog uli. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silong.

Walang anu-ano ay mabilis na umakyat sa hagdan si Rupino.

“Ang lambat?” Nasaan ang lambat?” ang humahangos niyang usisa. “Ano ang ginawa mo sa lambat?”

“Ha? Lambat?” ang walang tutong sagot ni Paula. “A, ang lambat. Ipinagbili ko at ang pinagbilan ay binili ko ng kalahating kabang bigasat ng maraming ulam.”

“Ipinagbili mo! Ipinagbili mo ay may lamang limang piso iyon!” Si Rupino ay nanginginig na lumpit sa asawa. Sinampal niya ito ng ubod-lakas, sinuntok at sinipa. Hindi pa yata nakasiya roon ay hinawakan niya sa ulo si Paula at ipinukpok ng ipinukpok ang ulo nito sa dinding ng bahay. “Hindi mo nalamang itinago ko sa lambat ang kalahati ng pinagbilan ko sa palay?”

“Diyos ko!” ang panangis ni Paula ng lubayan na siya ng kagulgulpi ni Rupino. “Labis labis na po ang mga pagtitiis naming ng anak ko sa taong ito. Diyos ko, kaawaan mo po kami! Maano pong Mo na ang taong ito at ng kami ng anak mo ko ay makatikim na ginhawa!”

At anong laking himala angnangyari. Isang napakatalim na kidlat ang biglanggumuhit, kidlat na sinundan ng kulog na nakatutulig. Si Paula at Rupino ay nawalan ng malay-tao.

Nang si Paula ay pagsaulan ng hininga ay nakita niyng si Rupino ay maitim na maitim at patay na. Si Rupino pala ay tinamaan ng kidlat. Samantalang pinagmasdan niya ang mukha ni Rupino ay may narinig siyang isang tinig na nagsasabi ng ganito: “Ibaon mo sa inyong halmanan ang bangkay ng iyong asawa. Sa puntod ng kanyang libingan ay may sisiot ng isang halaman. Alagaan mong mabuti ang halamanang iyansapagka’y iyay pakikinabangan ninyo. Si Rupino ay di nakatulong sa inyo noong siya y nabubuhay. Ngayong siya’y patay na ay makatulong sana siya sa inyo”

Hindi naman naglaon at isang baging na maganda at malusog ang sumulpot sa puntod ng libingan ni Rupino Ang baging madaling lumaki at namunga, at nang anihin ni Paula ang bunga ng baging at kanilang kainin ay anong sarap ang mga bungang iyon sa panlasa. Ang baging na iyon ay ang unang pipino sa daigdig. At sapagka’t ang baging ay sumipot sa puntod ni Rupino, tinawag itong pipino.

Alamat ng Saging

May isang prinsesang napakaganda; kaya ang tawag sa kanya ay Mariang Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang maliit na gubat; doo’y maraming magaganda’t mababangong halamang namumulaklak. Araw-araw, ay nagpapasyal ang prinsesa sa gubat na ito. Namimitas siya ng mga bulaklak na katangi-tangi ang ayos. Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay nakatagpo siya ng isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang makita ni Mariang Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang prinsipe naman pala’y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at nagkahulihan ng loob.

Araw-araw ay namamasyal sila ng prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang prinsipe. Palibhasa’y sadyang may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na ito nagpaumat-umat at tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.

Isang hapon matapos silang mamasyal, nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng mabangong halamanan ng prinsesa.

“Mariang Maganda, kay ganda ng mga bulaklak mo, nguni’t ang mga bulaklak doon sa aming kaharian ay higit na magaganda at mababango; walang makakatulad dito sa inyo.”
“Bakit, saan ba ang inyong kaharian?”

“Doon sa dako roon na hindi maaaring marating ng mga taong may katawang-lupa.”

Ilan pang saglit at nagpaalam na ang prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya napilitang magtanong si Mariang Maganda. “Mangyari’y…” at hindi na nakuhang magpaliwanag ang prinsipe.
“Mangyari’y ano? Ano ang dahilan?” ang tanong ng prinsesang punung-puno ng agam-agam.

“Dapat an akong umuwi sa amin, kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko sanang isama kita, nguni’t hindi maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo. Kaya paalam na irog.”

“Bumalik ka mamayang gabi, hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?”

“Sisikapin ko Mariang Maganda,” ang pangako ng prinsipe. Nang malapit ng maghatinggabi, dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay sa loob ng hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako ang kanilang pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.

Kaginsa-ginsa’y biglang napatindig ang prinsipe. “Kailangang umalis na ako, Mariang Maganda. Maghahatinggabi na, kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako makababalik sa amin. Diyan ka na subali’t tandaan mong ikaw rin ang aking iniibig,” at ginawaran ng halik ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.
Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya ng kanyang minamahal. Sa kanilang paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at naiwan sa mga palad ng dalaga ang dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa, kaya patakbong nagtungo sa isang dako ng kanyang halamanan at ibinaon ang mga kamay.

Ilang araw, pagkatapos ay may kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya. Malalapad ang mga dahon at walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa’y nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng prinsesa ang kanyang halaman. Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay napalitan ng mga bunga. Parang mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang saging sa daigdig.


Ang Alamat ni Bernardo Carpio

Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay
mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo,
Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag,
matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang
pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay
masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang
naghihirap, at sa mga may sakit.  Ang mga bata sa kanilang pook ay
inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang
umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay
kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na
magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang
malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang
sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at
kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig.
Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na
niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang
mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng
isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang
magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol,
siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang.
Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang
matapang, bantog, makisig, at maalamat  na mandirigma sa bansang
Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay
ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang
lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang
bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag
isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na
binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan
sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait,
matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa
gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay.
Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang
kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo
sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy
mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan
upang mabilis etong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng
pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo
ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay
laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga
karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis
man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila
matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay
nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa
hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa
kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si
Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.




Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himaksikan
ng mga Pilipino, lalu na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang
napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala eto g mga Kastila. Dahil sa
pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan
silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay
pa eto.

Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay
nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging
matagumpay ang himaksikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay
gumawa ng patibong ang mga kastila. Diumano ay inanyayahan nila si
Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang
karaingan ng mga Pilipino subalit eto ay bitag lamang upang sa tulong
ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na
makapamuno sa himagsikan.

Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay
may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa
eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang
sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.

Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni
Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na
sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung
tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga
Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng
agimat na taglay ng engkantado.

Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang
inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay
dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali't sila ay may nakahandang
bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay
naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na
naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang
kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa
pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.

Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting
siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas
upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na
lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.

Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may
paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari
kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang
humingi ng tulong sa mga mamamayan subali't natagalan bago
naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga  halinghing at pag-
aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala
ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil
lagi silang magkasama.

Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka
nila etong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila
ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang
kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at
nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng
engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita
si Bernardo.

Mabilis na kumalat ang haka-haka na si Bernardo ay naiipit ng nag-
uumpugang bato at tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagiging sanhi
eto ng paglindol sa kabundukan ng San Mateo.

Ang pagkawala ni Bernardo ay naging malaking dagok sa namumuong
himagsikan ng mga Pilipino dahil sa pagkawala ng isang malakas at
matapang na pinuno. Lumipas pa ang ilang taon bago muling nabuo ang
loob ng mga Pilipino na ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Taung 1895 nang muling magpulong ang mga kalalakihan sa yungib ng
Pamitinan at duon, sa karangalan ni Bernardo Carpio, ay ginawa nila ang
unang sigaw ng himagsikan laban sa mga Kastila.

Alamat ni Mariang Makiling

Nasa pagitan ng Laguna at Quezon ang bundok Makiling. Kalakip na ng kulturang Pilipino ang mga kuwentong bumabalot sa bundok na ito. Hindi kumpleto ang bundok Makiling kung ipwepwera si Mariang Makiling sapagkat ang bundok Makiling at si Mariang Makiling ay nagbibigay buhay sa bawat isa.

Sinasabing si Mariang Makiling ay hindi lamang nakikipanirahan sa bundok Makiling. May mga nagpapatunay na ang nabanggit na kabundukan ay kay Mariang Makiling.

Isang misteryo si Mariang Makiling. Ang maraming taong nakakita at nakadaupang palad daw ng dalaga ay nangalilito at hindi na nakababalik pa sa kani-kanilang pinanggalingang tahanan. May mga nagpapatunay na pawang nawawala silang parang bula. Ang mga ilan-ilang sinuswerteng nakauuwi pa ay nagmimistulang estatwa, hindi makapagsalita at nakatulala. Mabibilang mo sa daliri ang ilang pinagbabalikan ng diwa na kapag nagsalaysay na ay lagi nang misteryosang dalaga ang kwento nila. Sapagkat ibat-iba ang salaysay, ang mga kwentong nagkakaugnay ang pinaniniwalaan larnang na may patotoo at pagpapatunay.

Ang mga pinagtagni-tagning kwento ay nagsasaad na si Mariang Makiling daw ay nakatira sa isang nagliliwanag na kaharian na napapalibutan ng mga puno at halamang kung hindi hitik ng bunga ay marangya namang pinamumulaklakan ng mga petalyang kulay dilaw, pula o lila.

May ilan ding nagpapabulaan sa kwento na nagsasabing kitang-kita ng kanilang mga mata na sa isang dampa lamang na nabububungan ng pinagtagpi-tagping sawali nakatira si Maria. Na ang dalaga ay nagbabayo ng palay, namimitas ng mga gulay at nanunungkit ng mga prutas araw-araw.
May naniniwala sa una. Mayroon din sa ikalawa. Pero may nagbibigay diin na si Maria sapagkat may iba-ibang katauhang misteryosa ay maaaring mabuhay na isang diwata o isang mortal na dalaga.
May isang katulong na nagpapatunay na isang umaga ay nakita niya si Maria na pumasok sa isang talahibang malapit sa paanan ng kabundukan. Takang-taka siya sapagkat parang manipis na hangin lang itong inihip kaya di man lang nahawi ang mga nadaanang halaman. Nang magbalik ay dala na ni Maria ang isang bungkos ng mga puting bulaklak ng talahiban na masaya niyang ipinanhik sa kabundukan. Nagtataka ang nakasaksi sapagkat parang nakaangat sa lupa ang mga paa ng dalaga. Sa pakiwari niya si Maria ay isa ngang ada.

May ilang namamasyal sa kabundukan na nagpapatunay namang kitang-kita nila si Maria na umuupo sa matatarik na gilid ng bundok. Iwinawasiwas niya ang mahabang buhok na sa kaalinsanganan ng hapon ay naghahatid ng mabining hanging nagpapalamig sa kapaligiran at nagpapasaya sa mga hayop sa kabundukan. Kung ganda ang pag-uusapan wala na raw tatalo sa kariktan ni Maria. Siya ay may balingkinitang pangangatawan, mabibilog na mga mata, maninipis na mga labi at malamyos na tinig ng isang mortal na dalaga at misteryosang Engkantada.

Karaniwang nakikita siyang namamasyal sa paligid ng kabundukan kung umagang kasisikat pa lang ng araw. May nagsasabing matapos makapananghalian ay umuupo ang ada sa mga tipak ng bato habang pinanunuod ang marahang agos ng ilog. May ilang nagpapatunay na kung gabing maalinsangan at natutulog na ang lahat ay naglulunoy daw si Maria sa malamig na bukal.

Usap-usapan ng lahat ang magandang alpa na tinutugtog ni Maria kung kabilugan ang buwan. Ang sinumang nakaririnig nito at nagbabakasakaling maghanap ay nangalilito raw. Sa halip na matunton ang kinaroroonan ni Maria ay napapalayo pa ito sa kaakit-akit na Engkantada.

Lubhang matulungin si Mariang Makiling. May ilang nagsasabing nag-aanyong magbubukid daw si Maria na nagmumudmod daw ng luya sa lalong pinakamahirap na magsasaka. Kataka-takang ang mga nabanggit na luya ay nagiging ginto raw kapag naiuwi mo na.

Bukas ang mga palad ni Maria sa mga karaniwang mamamayang naninirahan sa paligid ng kabundukan. Kapag may bininyagan, kinasal o namatayan ay pinahihiram ni Maria ng mga nakatagong kasuotan at kasangkapan. Ang mga mag-anak na tinutulungan ay inoobliga niyang maghandog ng isang dumalagang manok bilang kabayaran.

May nagpapatunay na mahirap kalabanin si Mariang Makiling. Minsang papalubog na ang araw ay may nangahas mamaril ng mga baboy-damo sa paanan ng bundok. Kahit binawalan na ni Maria ay sumige pa rin sila. Hinabol nila nang hinabol ang isang baboy-damo hanggang sa makaakyat sa bundok. Nagalit si Maria sa kapangahasan. Nang dumidilim na ay takang-taka sila sapagkat ang baboy-damo na hinahabol nila na sumuot sa mga kasukalan ay lumabas kasama ang isang kumpol pa na baboy-damong nanghahaba ang mga pangil at mapupula ang mga mata. Natakot sila sa laki ng mga hayop na papalapit sa kanila. Ang higit na matapang na manunudla ay nakapagpaputok pa pero ang naduwag ay nagtatakbo na. Maya-maya lang ay nadinig sa kabundukan ang napakalakas na hiyaw ng pagmamakaawa ng pobreng kaluluwa. Naswertehan ng naduwag na makababa kaagad ng bundok. Narating kaagad nito ang bayan na takot na takot na humihingal. Kinaumagahan ay pinagkaguluhan ang bangkay ng matapang na mangangaso. Hindi na nakilala ang tunay na anyo nito. Nagbulung-bulungan ang lahat na kinalaban daw siguro ng mangangaso ang kapangyarihan ng Engkantada ng Kabundukan. Naniniwala sila na sa alinmang labanan, tiyak ang pagwawagi ni Mariang Makiling na Diyosa ng Katarungan.

Kung noong unang panahon ay nagbabalatkayo si Mariang Makiling upang tumulong sa mga magsasaka, ngayon ay hindi na napagkikita ang Engkantada at ang pagtulong ay nahinto na.

Hindi raw kasi nagsasauli ng kagamitan ang marami sa kaniyang pinahihiram. Marami daw ang hindi nagbibigay ng dumalagang manok na dapat ay handog. At napakarami na raw ngayong nagiging pangahas na gustong galugarin upang maangkin ang kabundukan.
Ito ang pinagmulan ng alamat ni Mariang Makiling.




No comments:

Post a Comment